Gayunma’y hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga sumasampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita, 21 upang silang lahat ay maging isa. Gaya mo, Ama, na nasa akin at ako’y sa iyo, sana sila’y manatili sa atin, upang ang sanlibutan ay sumampalataya na ako’y sinugo mo.
John 17:20-21 ABAB
Malaking pagpapala sa mga tao ng Diyos na nakatala ang panalangin ng ating Panginoong Hesu-Kristo sa Bibliya.
Ang panalangin ni Hesus ay hindi lamang para sa mga Apostol kundi maging para sa atin din. Nasa isipan ni Hesus ang lahat ng mga tao na nanampalataya sa Kanya at mananampalataya pa. Wala kahit isa sa mga tao ng Diyos na kinalimutan Niya habang Siya ay nananalangin.
Ang isang pulubi o kriminal na mananampalataya ay maaaring umasa sa Panginoong Hesu-Kristo.
Hindi lamang Siya nanalangin noon, kundi maging hanggang ngayon (Heb 7:25).
Dahil dito, siya’y may kakayahang iligtas nang lubos ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, yamang lagi siyang nabubuhay upang mamagitan para sa kanila.
Malaking kaaliwan ito dahil hindi man tayo tapat sa panalangin, si Hesus, na Siyang Dakilang Punong-Pari, ay tapat at hindi tumitigil sa Kanyang pananalangin. Ang mabuting balita ay wala sa Kanyang mga tao ang Kanyang makakalimutan hanggang makasama Niya sa Kanyang piling.
Iniibig ni Hesus ang Kanyang mga tao hanggang sa wakas (John 13:1).
Ipinanalangin Niya tayo bago pa man tayo ipinanganak, sa araw-araw ng ating buhay, sa oras na tayo man ay natutulog at hanggang sa Siya’y makasama natin.
Sa Diyos ang Papuri!