Isang miyembro ng INC (Iglesia ni Cristo) na nag-post ng apat na punto laban sa pagka-Diyos ni Hesus ang ating sasagutin ngayon.
Dahil tagalog ang mga argumento, sisikapin kong sagutin ito sa tagalog din:
1. Hindi namin Diyos ang ating Panginoong Jesucristo sapagkat wala pong sinasabi sa Biblia na sinabi niya na siya ay Diyos.
Refutation:
Kung ikaw ay maghahanap sa Bibliya na kung saan sinabi ni Hesus na “Ako ay Diyos”, wala ka talagang makikita.
Una, ang ganitong argumento ay tinatawag na fallacy, ibig sabihin, hindi porket wala sa Bibliya ang eksaktong salita ay hindi na ito totoo. Halimbawa para sa INC, may sinabi ba na ang Far East ay ang Philippines ayon sa Isa.43:5?
Ito mula sa Pasugo, July August 1979 p. 9,
“Far East in the prophecy where the other sheep of Christ are to be called has for its fulfillment the Philippines. The reestablishment ot this Church began with the inception of the ministry of Brother Felix Manalo whose preaching gave birth to the call of the members of the Church of Christ since 1914.”
Saan sa Bibliya ang eksaktong katagang na yan?
Kung ating ilalapat sa kanilang katuruan ang kanyang panukat, tunay na guguho ang kanilang paniniwala. Gayunpaman, kahit hindi natin gamitin ang ganoong argumento, sa konteksto pa lamang ay hindi makakatayo ang Far East Doctrine ng INC.
Pangalawa, Ito ay maaaring magdulot ng pagkalito lalo na sa mga Hudyo. Ang theos in general ay tumutukoy sa Ama (Eph. 1:17, Rev. 1:6). Hindi rin madalas na ginagamit ang theos sa Anak upang ingatan ang personal distinction ng Ama at Anak. Kung Theos din ang personal na pangalan ng Ama at ng Anak ito ay dudulot sa polytheism.
Sa pagtukoy sa Ama bilang Diyos ipinapakita din ang pagpapasakop ng Anak sa Ama. Wag natin itong kalimutan dahil Siya ay nagpakababa. Kaya ang paghahanap sa Bibliya na sinabi ni Hesus na “Ako ay Diyos” ay hindi nauunawaan ang layunin ng pagkakatawang tao ni Hesus.
Sinabi ng isang Evangelical scholar Murray J. Harris (Jesus As God ), “When we find the expression theos pater we may legitimately deduce that ho theos estin ho pater. And since pater refers to a particular person (not an attribute), the identity between ho theos and ho pater as proper names referring to persons must be numerical. ‘God’ must be equated with ‘the Father.’ If Jesus were everywhere called theos so that in reference to him the term ceased to be a title and became a proper noun like ‘Iesous, linguistic ambiguity would be everywhere present.”
Hindi porket hindi sinabi ni Hesus na “ako ay Diyos”, ay nangangahulugan na hindi Siya Diyos. Hindi man niya ito sinabi, pero ito ay Kanyang ipinakita sa paggamit ng divine titles at attributes sa Kanyang sarili (John 6:35, 8:12, 10:9, 10:11, 11:25-26, 14:6, 15:5, Mark 2:5-7, Revelation 22:13), isinagawa sa pamamagitan ng hiwaga na tanging Diyos lamang ang makakagawa (John 2, Matthew 14:13-21, John 11:1-44, 6:16-24, 9:1-7) at pinagtibay sa pagtanggap ng pagsamba mula sa Kanyang mga tao (Matthew 28:9, Luke 19:37, Acts 10:25-26)
Hindi man Niya sinabi na Siya ay Diyos, sa Kanyang mga sinabi at ginawa Siya ay tinuligsa dahil ito ay pawang pagsabi na Siya’y kaparehas ng, at Diyos mismo. (John 5:16-18, John 10:27-33, John 8:58)
Hindi man Niya sinabi na Siya ay Diyos, ang mga apostol buhat sa pagkasi ng Banal na Espiritu ay tinawag Siyang Diyos . Kaya sabihin man ng INC na “hindi namin Diyos si Hesus”, pag iyong tinanong ang mga Apostol, sila ay buong tapat na sasagot, “Si Hesus ay aming Diyos”. Sino ngayon ang papaniwalaan natin? Ang INC o ang mga apostol? (Col 1:16, John 1:1, Heb 1:10, Ps 102:25ff, John 20:27-29, 2 Peter 1:1, 11, Titus 2:13, Rom 9:5)
2. Ngunit mayroon Siyang ipinakilala na iisang Diyos na dapat nating kilalanin ayon kay Cristo Mismo.
3. Ang Ama lamang ang iisang Diyos na tunay (Juan 17:1,3)
Refutation:
Ang #2 ay argumento ang #3 ay ang patunay kaya tayo ay magbibigay ng isang ‘refutation’ lamang.
Totoo naman na ang Ama ay Diyos. Siya ang Tunay na Diyos, pero muli makikita natin sa Bibliya na tinawag ng Ama mismo na Diyos ang Anak ‘Ngunit, tungkol naman sa Anak ay sinasabi niya, “Ang iyong trono, 0 Diyos, ay magpakailanman’ (Hebrews 1:8).
Kaya, walang problema sa Bibliya na tukuyin ang dalawang persona bilang iisang Diyos, ito ang hiwaga ng Banal na Trinidad, kasama ang Banal na Espiritu. Iisa lamang ang Diyos, pero may tatlong persona sa Iisang Diyos. Hindi mo maunawaan? Ako din, pero iyan ay malinaw sa Bibliya (2 Cor 13;14, I Cor. 8:6, John 1:14,18, John 15:26; Matt. 28:19).
Sa 1 John 5:20 na isinulat din ni Apostol Juan, si Hesus ay tinawag na Tunay na Diyos. “Ito ang tunay na Diyos, at buhay na walang hanggan.” Ang salitang “ito” salungat sa ibang mga salin na “Siya” ay tumutukoy sa Anak lamang. Kaya ginamit ni Juan ang demonstrative pronoun na “this” nang sa gayon ay hindi magkamali ang mambabasa na ang tinutukoy niya ay si Hesus na “immediate antecedent” ng “this”.
Dagdag pa dito, hindi ba nakakamangha na magkatulad ang mga salitang ginamit ni Juan sa pagtukoy sa Ama at Anak?
John 17:3: Ama – At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at si Jesu-Cristo na iyong sinugo.
1 John 5:20: Anak – Ito ang tunay na Diyos, at buhay na walang hanggan.
Ang makilala ang Ama sa pamamagitan ng Anak ay buhay na walang hanggan. Sa pagtanggi nila sa pagka-Diyos ni Hesus, ay itinatanggi nila ang Ama.
Dahil si Hesus ang Tunay na Diyos, Ibig bang sabihin nito na hindi tunay na Diyos ang Ama? Pero dahil sinabi din ng Bibliya na Tunay na Diyos ang Ama, ibig bang sabihin na dalawa ang Diyos? Pero iisa lang ang Diyos! (De 6:4) Ibig sabihin ba na may pagsasalungatan sa Bibliya? Wala! Dahil hindi sinungaling ang Diyos na may Akda ng Bibliya. Ano ngayon ang ating sasabihin? Ito lamang ay nangangahulugan na dapat tayong magpasakop sa malinaw na kapahayagan ng Diyos.
4. Ipinakilala din ng Panginoong Jesucristo na Ama Niya ang Ama nila na kaniyang Diyos at inyong Diyos. Hindi Niya sinabi na Siya rin ay Diyos (Juan 20:17).
Refutation:
Sa talatang ito malinaw ang ‘parallelism’,
sa aking Ama at inyong Ama,
sa aking Diyos at inyong Diyos.
Ito ay binanggit ni Hesus para aliwin sila sa Kanyang paglisan pagkatapos ang muling pagkabuhay na ang Kanyang Ama at Diyos ay Ama at Diyos din nila. Tanging ang Anak lang na Siyang Diyos na nagkatawang tao ang makakapagpakilala sa Ama (John 1:18).
Hindi nauunawaan ng INC na ang pagtawag ni Hesus sa Diyos na Ama at Diyos ay patunay din na Siya ay Diyos (John 10:27-33).
Muli, hindi porket hindi sinabi sa talata na Siya rin ay Diyos ay patunay ito na hindi Siya Diyos. Dahil sa pagtawag Niya na Ama Niya ang Diyos, ito’y nangangahulugan na Siya ay kapantay ng Diyos na naunawaan ng mga hudyo (John 5:18) mula sa Psa 2:7.
Hindi problema ng katuruan ng Banal na Trinidad na tawagin ng Ama at ng Anak na Diyos ang isa’t-isa dahil Sila ang Nag-iisang Tunay na Diyos, kasama ang Banal na Espiritu (2 Cor 13;14, I Cor. 8:6, Matt. 28:19, Isa 6, Jn 12:40, Acts 28:26-27).
Huwag nating unawain ang Bibliya ayon sa 21st century mindset, tingnan natin ang konteksto ng bawat talata ayon sa kasaysayan ng pagtubos ng ating Panginoong Hesu-Kristo o “Redemptive History”.
Tunay nga na kapag iyong lubusang naunawaan ang Diyos ay Diyos ka na rin. Ngunit tayo ay tao lamang, at ang Diyos ang walang hanggan at dakilang Diyos na hindi natin lubusang mauunawaan (Ps. 145:3,Isa. 55:8–9) dahil walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak, at walang nakakaalam sa mga bagay ng Diyos kundi ang Espiritu (Mt 11:25-27, 1 Cor 2:11-16). Ngunit salamat sa biyaya ng Diyos dahil maaari natin Siyang makilala ng tunay, at ipinakilala Siya sa atin ng Anak ayon sa Kanyang kapasyahan (Mt 11:27).
Sa Diyos lamang ang Papuri!