WALANG HANGGANG AMA,
Ika’y higit na mabuti kaysa lahat ng iniisip;
Ngunit ako’y kasuklam-suklam, aba,
kahabag-habag, di-nakakakita;
Ang aking mga labi ay handang magtapat,
ngunit ang puso ko sa pandamdam ay makupad,
at ang aking mga daa’y atubiling maituwid.
Kaluluwa ko’y aking dinadala sa ‘Yo;
basagin, sugatan, ipaling, hubugin Mo ito.
Ihayag sa akin kapangitan ng kasalanan,
upang aking kasuklaman, pandirihan at layuan.
Ang aking mga kakayaha’y naging sandata ko
ng paghihimagsik laban sa Iyo;
suwail na ginamit ang lakas at naglingkod
sa lisyang kaaway ng Iyong kaharian.
Bigyan ako ng biyaya na aking tangisan
ang manhid kong kahangalan;
Ipagkaloob Mo na aking malaman:
na ang daan ng lumalabag ay daang mahirap;
na ang landas ng masama ay abang mga landas;
na ang paglayo sa Iyo’y pagkawala
ng lahat ng kabutihan.
Nakita ko ang kadalisayan at ang kagandahan
ng sakdal Mong kautusan;
ang kaligayahan n’yaong mga taong
sa kanilang puso’y naghahari ito;
ang mapagtimping dangal ng lakad kung saan
ako’y tinatawag nito;
Ngunit araw-araw na nilalabag ko’t
aking hinahamak ang mga tuntunin nito.
Ang mapagmahal Mong Espiritu’y
nakikipagpunyagi sa loob ko;
dinadalhan ako ng mga babala ng Kasulatan;
nagsasalita sa nakakabiglang mga probidensya;
humihimok sa lihim na mga bulong;
Ngunit pinipili ko ang mga paraan
at mga hangaring aking ikinapipinsala;
lapastangang inaayawan, pinipighati,
at hinahamon Siya upang ako ay hayaan.
Lahat ng mga kasalanang ito’y ipinagdadalamhati,
idinadaing, at inihihingi ko ng tawad.
Gumawa Ka sa akin ng mas malalim
at nananatiling pagsisisi;
Ibigay sa akin ang kalubusan ng banal na lumbay
na nanginginig at natatakot,
ngunit nagtitiwala at umiibig,
na makapangyarihan at nakatitiyak kailanman;
Ipagkaloob Mong sa pamamagitan
ng mga luha ng pagsisisi
ay makita ko nang mas malinaw ang ningning
at mga kaluwalhatian ng Krus na nagliligtas.
Arthur Bennett; The Valley Of Vision “Yet I Sin”
Translated by Ptr. Romeo Endaya
SOLI DEO GLORIA!