Ngunit magpayuhan kayo sa isa’t isa araw-araw, habang ito ay tinatawag na “ngayon,” upang walang sinuman sa inyo ang papagmatigasin ng pagiging madaya ng kasalanan.
Hebreo 3:13
Isang tunay na kagalakan sa Panginoon ang katuturan ng pakikipag-usap at pakikipagkumustahan sa iyong kapatid kay Kristo.
Dahil dito may mga matutunan ka talaga na mga bagay at karunungan na nagmumula sa Diyos na hindi mo pa nalalaman at nagiging saksi ka din kung paanong kumikilos ang biyaya ng Diyos sa kanilang mga buhay.
Maraming mga kapatiran ang hindi alintana na wala sa gitna ng ilaw at para bagang nasa likuran lang kung maituturing. Ngunit ito’y hindi hadlang upang kuminang ang kanilang patotoo at magliwanag ang kaningningan ni Kristo sa kanilang mga buhay. Habang sila’y tahimik at payapa sa kanilang mga ginagampanan ay tunay na may pagnanais sa kanilang mga puso na magministeryo sa pangalan ng Panginoong Hesu Kristo.
Hindi nga pantay-pantay ang paglagong espiritwal ng bawat mananampalataya na kabilang sa iglesya ng Panginoong Hesu Kristo, ngunit hindi rin naman kulang ang biyaya ng Diyos upang ang mga kahinaan at kakulangang ito ay hindi matabunan ng pag-ibig. Pag-ibig ni Kristo na kanyang ibinigay at inialay para sa kanyang minamahal na iglesya.
Walang perpektong iglesya, walang perpektong kapatiran at lalong walang perpektong ikaw. Ngunit may isang perpekto na dapat nating tularan at tingnan sa lahat ng mga ito, walang iba kung hindi si “Kristo” na Hari at Panginoon magpakailanpaman!
Sa Diyos lamang ang papuri!