Nang makarating si Jesus sa kabilang pampang, sa lupain ng mga Gadareno, ay sinalubong siya ng dalawang inaalihan ng mga demonyo na lumabas mula sa mga libingan. Napakabangis nila kaya’t walang makadaan doon. Sila ay sumigaw na nagsasabi, “Anong gagawin mo sa amin, O Anak ng Diyos? Naparito ka ba upang pahirapan kami bago dumating ang takdang panahon?”
(Mat 8:28-29) ABAB
Hindi namin tinatanong kung: Si Kristo ba ang iyong “Tagapagligtas”? – ngunit, kung Sya ba talaga ang tunay mong Panginoon? Kung hindi Siya ang iyong Panginoon, siguradong hindi rin Siya ang iyong “Tagapaglitas”. Sinumang hindi tumanggap kay Kristo bilang Panginoon, at nag-aakalang si Kristo ang kanyang Tagapagligtas, ay nalilinlang at ang pundasyon ng kanyang pag-asa ay nakatayo sa buhanginan. Ang karamihan ay nadadaya ng ganitong pananaw, kaya nga’tkung ang nagbabasa nito ay nagpapahalaga sa kanyang kaluluwa, kami’y nagsusumamo na basahin mong maigi ang nilalaman nito.
ANG TUNAY NA TANONG
Kung kami ay magtatanong, Si Kristo ba ang iyong Panginoon?, hindi kami nag-uusisa kung, naniniwala ka ba sa pagka-Diyos ni Kristo ng Nazareth? Maging ang demonyo ay naniniwala dyan (Mateo 8:28-29), gayunpaman sila ay tiyak pa ring pupuksain! Maaaring lubos kang naniniwala sa pagka-Diyos ni Kristo pero ikaw ay nananatili pa rin sa kasalanan mo. Maaari kang magsalita tungkol sa Kanya nang may mataas na pagrespeto, o iukol sa Kanya ang Kanyang banal na titulo sa iyong panalangin – ngunit hindi ka pa ligtas. Maaaring ikaw ay namumuhi sa mga yumuyurak sa Kanya at tumatanggi sa Kanyang pagka-Diyos – gayunpaman, ikaw ay walang tunay na pagmamahal sa Kanya. Kung kami ay magtatanong, Si Kristo ba ang iyong Panginoon? Ang ibig sabihin, Siya ba talaga ang nasa trono ng iyong puso? Siya ba talaga ang nagpapatakbo sa buhay mo?
“Tayong lahat ay mga tupang naligaw, nagkanya-kanya tayo ng lakad” (Isa 53:6), ipinakikita dito ang daan na likas nating tinatahak. Bago maganap ang pagbabagong-puso, lahat ng kaluluwa ay nabubuhay upang pagbigyan ang sariling kagustuhan. Dati pa ito nasusulat, “ginawa ng lahat ng tao kung ano ang matuwid sa kanyang sariling mga mata”, at bakit? “Sa panahong iyon, walang Hari sa Israel” (Hukom 21:25). Ah!
Ito ang nais naming linawin sa bumabasa! Hangga’t hindi si Kristo ang iyong Hari (1Tim 1:17, Rev 15:3), hanggat hindi ka yumuyukod sa Kanyang kapangyarihan, hanggat hindi kagustuhan Niya ang nasusunod sa buhay mo, hanggat sarili mo pa rin ang nagkokontrol – Si Kristo ay hindi mo pa rin inaaring lubos.
PAANO MO SIYANG MAGIGING PANGINOON?
Kapag ang biyaya ng Banal na Espiritu ay kumilos sa kaluluwa, una niyang ipinakikita ang bigat ng kasalanan. Ipinakita niya sa akin ang tunay at nakatatakot na kalikasan ng kasalanan.Ipinaunawa niya sa akin na ito ay isang paghihimagsik, isang pagtalikod sa Diyos, at paglaban sa Kanyang kalooban upang masunod ang kalooban ko. Ipinakita nya na sa pagsunod sa “sarili kong daan” (Isa 53:6), upang bigyang-kasiyahan ang sarili ko, ako ay patuloy na lumalaban sa Diyos. Sa pagkamulat ng aking mata – sa pagkakita kung gaanong ako’y naghimagsik ng buong buhay ko, kung paanong ako’y walang malasakit sa dangal ng Diyos, at kung paanong walang halaga sa akin ang Kanyang kalooban – ako’y napuno ng dalamhati at pagkatakot, sabay ay namangha kung bakit ang Banal, Banal, Banal na Diyos ay hindi pa rin ako itinatapon sa impyerno. Nagbabasa, nakaranas ka na ba ng ganito? Kung hindi, ikaw ay may malalim na dahilan para matakot na ikaw ay isa pa palang patay sa espiritu!
ANG TUNAY NA PAGBABAGO: PAGTALIKOD SA KASALANAN
Pagbabago, tunay na pagbabago, nakaliligtas na pagbabago – ay isang pagtalikod sa kasalanan patungo sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo. Ito ay ang pagbaba ng mga armas na panglaban sa Kanya, ang paghinto sa pagkagalit at di- pagsunod sa Kanyang kapangyarihan. Ayon sa Bagong Tipan, ang pagbabago ay sinasabi na “pagtalikod sa pagsamba sa mga diyosdiyosan, upang maglingkod (maging tagasunod, at sumunod) sa buhay at totoong Diyos” (1Thes 1:9). Ang “diyosdiyosan” ay anumang bagay na pinaguukulan natin ng dapat na ibinibigay lamang sa Diyos – ang pinakamataas nating
pagmamahal, ang paghuhubog ng impluwensiya sa ating puso, ang kapangyarihang nagpapasunod sa ating buhay. Ang tunay na pagbabago ay isang buong pagtalikod ng puso at kalooban mula sa kasalanan, sa sarili at sa mundo. Ang tunay na pagbabago ay laging may katibayan, “Panginoon, ano ba ang dapat kong gawin?” (Gawa 9:6); ito ay walang agam na pagsuko ng ating sarili sa kanyang banal na kalooban.. Isinuko mo na ba ang iyong sarili sa kanya? (Roma 6:13)
ANG TUNAY NA PAGBABAGO: PARAAN NG DIYOS
Maraming mga tao ang gustong maligtas sa impyerno, pero ayaw maligtas mula sa pagsasarili, mula sa pagtahak sa sariling daan, mula sa isang buhay na makamundo. Ngunit ang Diyos ay hindi magliligtas ng ganon – ayon sa kanilang sariling kaparaanan. Para tayo maligtas, dapat tayong magpasakop sa kanyang paraan:
“Lisanin ng masama ang kanyang lakad, at ng liko ang kanyang mga pag-iisip; at manumbalik sa Panginoon, at kaaawaan Niya siya; at sa aming Diyos, sapagkat siya’y magpapatawad ng sagana” .
(Isa 55:7)
Sabi ni Kristo, “sinoman sa inyo na hindi tumanggi sa lahat niyang tinatangkilik, ay di maaaring maging alagad Ko” (Lukas 14:33). Ang tao ay dapat tumungo sa “ilaw mula sa kadiliman, at mula sa kapangyarihan ni satanas hanggang sa Diyos”, upang sila ay “magsitanggap ng kapatawaran ng kasalanan, at mga mana sa kasamahan ng mga pinapaging banal” (Gawa 26:18).
ANG TUNAY NA PAGBABAGO: PAGLAKAD SA DAAN DIYOS
“Kung paano nga na inyong tinanggap si Kristo Hesus na Panginoon, ay magsilakad kayong gayon sa Kanya” (Col 2:6). Ito ay isang utos sa mga Kristiyano at ang lakas nito ay – magpatuloy kayo gaya ng inyong sinimulan. Ngunit paano sila “nagsimula”? Sa pagtanggap kay HesuKristo na Panginoon”, sa pagsuko sa Kanya, sa pagpapasakop sa Kanyang kalooban, sa pagtigil sa pagsunod sa sariling kagustuhan. Ang paghahari ni Kristo ay kanya na ngayong inaangkin. Ang Kanyang mga utos na ang nagpapasunod sa kanyang buhay. Ang pag-ibig ni Kristo ang nag-uudyok tungo sa masaya at lubos na
pagsunod sa Kanyang mga utos. “Ibinigay nila ang kanilang sarili sa Panginoon” (2Cor 8:5). Ikaw na nagbabasa, nagawa mo na ba ito? May ebidensiya ba ang mga ito sa buhay mo? Nakikita ba ng mga kasama mo na ikaw ay nabubuhay hindi na para sa sarili mong kagustuhan (2Cor 5:15)?
ANG TUNAY NA PAGBABAGO: GAWA NG ESPIRITU
O aking tagabasa, huwag ka sana magkamali sa puntong ito: Ang pagbabago na gawa ng Banal na Espiritu at lubhang kakaiba. Ito ay himala ng biyaya. Ito ang paghahari ni Kristo sa trono ng buhay mo. At ang ganitong pagbabago ay bibihira talaga. Sa maraming tao ay sapat lang ang “relihiyon”, anupa’t mahirap sa kanila. Ayaw nilang iwanan ang lahat na alam nilang kasalanan at wala silang tunay na kapayapaan hanggat hindi ito nagaganap. Hindi talaga nila “tinanggap si Hesu Kristo na Panginoon: (Col 2:6). Kung ginawa nila ito, “ang kasiyahan ng Panginoon” ang kanilang magiging lakas (Neh 8:10). Ngunit ang wika ng kanilang puso at buhay (bagamat hindi ng kanilang labi), “Ayaw
namin na ang taong ito ang maghari pa sa amin” (Lukas 19:14). Ganito ba ang kalagayan mo?
ANG TUNAY NA PAGBABAGO: BAGONG PUSO
Ang malaking himala ng biyaya ay napapaloob sa pagbabago ng isang rebeldeng hindi kumikilala sa batas tungo sa isang tapat at mapagmahal na tagasunod. Ito ay “pagbabago ng puso” kung saan ang dati niyang nais ay kinamumuhian na niya, at ang dati niyang ayaw ay kinalulugdan na niya (2Cor 5:17). Siya ay nagagalak na sa “kautusan ng Diyos ayon sa pagkataong loob” (Roma 7:22). Nakikita niya na ang utos ni Kristo ay “hindi mabigat” (1Juan 5:3), at “sa pag-iingat ng mga iyon ay may dakilang gantimpala” (Awit 19:11). Ito ba ang iyong karanasan? Ganito nga, kapag tinanggap mo si Hesu Kristo na iyong PANGINOON!
Ngunit ang pagtanggap kay Hesu Kristo ay hindi talaga kayang gawin ng tao lamang. Ito ang huling nanaising gawin ng isang hindi pa nababagong puso. Dapat magkaroon ng pagbabago sa puso na nagmumula sa Itaas, bago magkaroon ng kagustuhan na si Kristo ang sumakop sa trono ng kanyang puso. Sa pagbabagong iyon, walang sinuman kundi ang Diyos lamang ang makagagawa (1Cor 12:3). Kaya, “inyong hanapin ang Panginoon, samantalang Siya ay masusumpungan” (Isa 55:6).
Hanapin mo Siya ng buong puso (Jer 29:13).
At sinabi ng Panginoon, “Sapagkat ang bayang ito ay lumalapit sa pamamagitan ng kanilang bibig, at pinapupurihan ako ng kanilang labi, samantalang malayo ang kanilang puso sa akin, at ang kanilang takot sa akin ay utos ng mga tao na natutuhan sa pamamagitan ng pagsasaulo;
(Isa 29:13)
Mangbabasa, maaring ikaw ay nagpapahayag ng pagiging Kristiyano nang mga nagdaang taon, at ikaw ay matapat sa iyong pagpapahayag. Ngunit kung ang Diyos ay malugod na gagamit sa babasahing ito upang makita mo na hindi mo pa talaga tunay na “tinanggap si Kristo bilang Panginoon”, kung sa iyong kaluluwa at konsensya ay mamamalas mo na ang iyong sarili pa rin ang naghahari magpahanggang ngayon – hindi ka ba luluhod at aamin sa
Diyos. Aminin mo sa kanya ang iyong pagsasarili, ang pagiging rebelde mo laban sa kanya. Hingin mo sa Kanya na gumawa Sya sa iyong puso upang, ngayon mismo, ay magawa mong ibigay nang buo ang sarili mo sa Kanyang kalooban at, sa gayon, ikaw ay Kanyang maging tagasunod, Kanyang katulong, at mapagmahal na alipin, sa gawa at sa katotohanan.
Sa Diyos lamang ang Papuri!
*Hango mula sa Is Christ Your LORD ni A.W. Pink, Ang salin na ito ay maaari mo ring mai-download mula sa Chapel Library.
*Updated with headings.