Kaya’t nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kanyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Diyos siya nilalang. Sila’y kanyang nilalang na lalaki at babae.
Genesis 1:27
Mahalagang malaman at maunawaan ng lahat ng tao kung “Sino” ang lumikha sa atin. Hindi sinabi ng katekismo na “ano” ang lumikha sa atin, bagaman Siya ang Makapangyarihang Diyos. Binibigyang diin dito na “person” ang lumikha sa atin na maaari nating makilala sa Bibliya at makausap sa panalangin, at hindi isang force, puwersa o bagay lang. Dahil may pag-iisip ang lumikha sa atin at ating sinasalamin ang Kanyang katangian bilang Kanyang nilikha, ito’y nagpapakita na hindi lamang Niya tayo basta-bastang nilikha. Ngunit tayo’y ginawa Niya ng may pag-iingat ayon sa Kanyang marunong at matuwid na layunin.
Kilala ang katuruan tungkol sa ‘evolution’ na nagsasabing walang lumikha sa tao at nagmula lang sa mga unggoy na nag-evolve lang din mula sa mga bacteria. Na tayo’y bigla na lang sumulpot sa mundong ito ng walang partikular na layunin sa buhay. Taliwas ito sa malinaw na katuruan ng Bibliya na mayroong Manlilikha. Ipinahayag Niya ang Kanyang sarili sa sangnilikha at Siya ay nagpakilala sa pamamagitan ng mga propeta, apostol at higit sa lahat, ng Kanyang Nag-iisang Anak na si Hesu-Kristo. Siya ang nagbigay ng buhay at dahilan kung bakit naririto tayo sa mundo.
Binibigyang diin sa Genesis na tayo’y nilkha ayon sa wangis at larawan ng Diyos. Ito ay nangangahulugan na ang mga tao ay may dignidad, mayroong rasyonal at moral katangian, at di dapat ibilang sa mga hayop. Nabasa din natin na may dalawang kasariaan lamang ng tao ang nilikha ng Diyos: lalaki at babae, ayon sa Salita ng Diyos.
Ang tanong na ito ay nagtuturo sa atin na magpasalamat, magpakumbaba at magpasakop sa Kanya na lumikha sa atin. Ang Diyos ang Dakilang Manlilikha at tayo ay Kanyang mga nilikha.
Sa Diyos ang papuri!
This is a Tagalog translation of the Catechism for Young Children which is available online: https://bit.ly/3lewkCN