Kay Kristo May Bagong Buhay

“Ang sabi ng mundo, ‘bagong taon, bagong buhay.’ Ngunit ang sabi ng bibliya, kung wala ka kay Kristo, walang bagong buhay (2 Cor 5:17).”

#hgcbccpulpit

Ang mga pananalita sa itaas ay mga salitang binitawan ng aming kapatid na nanguna sa unang panambahan sa aming Iglesia ngayong 2023. Tunay na ang pagsikat ng bagong taon ang nagsisilbing ‘reset button’ ng karamihan sa mundo at maging sa mga mananampalataya. Maririnig natin ang mga ganitong pahayag:

  • Ngayong taon, hindi na ako mag-iinom…
  • Ngayong taon, hindi na ako maninigarilyo…
  • Ngayong taon, hindi na ako magsusugal…
  • Ngayong taon, hindi na ako manonood ng pornograpiya…
  • Ngayong taon, hindi na ako magsisinungaling sa aking magulang…
  • Ngayong taon, hindi na ako magrereklamo sa probidensiya ng Diyos.
  • Ngayong taon, hindi na ako magiging sakim sa pera…

Para sa ilan, ito din simulain ng bagong mga gawi.

  • Ngayong taon, maghahanap na ako ng trabaho…
  • Ngayong taon, magbabawas na ako ng timbang…
  • Ngayong taon, magsisimua ako ng bagong pagkakakitaan…
  • Ngayong taon, susunod na ako sa aking mga magulang…
  • Ngayong taon, magbabasa na ako ng bibliya…
  • Ngayong taon, sisipagan ko na sa paglilingkod sa Diyos…
  • Ngayong taon, sisikapin kong magkaroon ng sariling bahay…
  • Ngayong taon, mas iibigin ko ang aking asawa…
  • Ngayong taon, mas iibigin ko na ang Panginoong Diyos.
  • At marami pang iba.

Dahil din dito ay lagi naming idinadalangin kayo, na kayo’y ariin ng ating Diyos na karapat-dapat sa pagkatawag sa inyo, at tuparin ang bawat hangarin sa kabutihan at gawa ng pananampalataya na may kapangyarihan, upang ang pangalan ng ating Panginoong Jesus ay luwalhatiin sa inyo, at kayo’y sa kanya, ayon sa biyaya ng ating Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo.

2 Thessalonians 1:11-12

Walang masama sa pagbabago, ngunit kung ito ay hiwalay kay Kristo, ito ay tila pakikipaghabulan sa hangin (Ecc 1:14). Ang lahat ay pansamantala lamang at tutungo sa pagkawasak kung ikaw ay hindi kaisa ng Siyang Pangwalang -hanggan.

Ang bahagi ng liham ni Pablo sa mga taga-Tesalonika sa itaas ay tinawag ni John Piper na ‘Theology of Resolution’. Ito ang teolohiya ng pagbabago/pagpapasya sa dalawang talata. Ibinigay niya ang mga puntong ito:

  • Ikaw ay magpasya para sa mabuti. Gumawa ng mabuting bagay sa iyong buhay.
  • Ito’y pagsikapan mo ng may pananampalataya, upang ito’y maging gawa ng pananampalataya.
  • Ang Diyos sa Kanyang kapangyarihan ay gumagawa sa pamamagitan ng pananampalatayang ito.
  • Kaya, ang Diyos ang tumutupad ng mabuting pagpapasya.
  • Kaya, si Hesus ay naluluwalhati.

Ang pagpapasya na magbago sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos na nagbibigay lakas sa mga mananampalataya ay hindi lamang tuwing Bagong Taon, kundi sa lahat ng oras. Tuwing tayo ay bumabagsak, sikapin nating hindi na bumagsak pa. At sa tuwing nakikita natin na may dapat tayong gawin, gawin natin ito ng walang pag-aatubili.

Sa mga hindi pa nagtitiwala kay Kristo bilang Panginoon at tagapagligtas, maaaring magawa mo ang iyong “New Year’s Resolution”, ngunit ito’y walang kabuluhan malibang ikaw ay magpasasyang magsisi sa iyong kasalanan at manampalataya sa katuwiran at dugo ni Kristo para ikaw ay tanggapin ng Ama. Ito’y tutungo sa pagkawasak malibang ikaw ay magtago kay Kristo mula sa poot na darating laban sa iyong mga paghihimagsik at kasalanan. Maaaring nasalubong mo ang bagong taong dumating ngunit ikaw ay walang takas sa poot ng Diyos na darating kung ikaw ay hindi nahugasan ng dugo ni Kristo.

Hindi kagaya ng mga hiwalay kay Kristo, ang mga tao ng Diyos ay may sapat na lakas, at kaloob buhat sa nagpapalakas na biyaya ng Banal na Espiritu upang gawin ang ayon sa kalooban ng Magpagpalang Ama. Binili na ng dugo ni Hesus hindi lamang ang katuwiran kundi maging ang kabanalan ng Kanyang mga tao. Kaya nga naman, sila ay tiyak na lalakad sa panibagong buhay na inihanda na ng Diyos nang una pa (Eph. 2:10).

Tunay na masasabi natin na kay Kristo, may bagong buhay. Ngunit ating pagtibayin pa ngayong 2023 na kay KRISTO LANG may buhay.

Ano ang hangarin mong gawin para sa kaluwalhatian ni Hesu-Kristo ngayong taon?

Sa Diyos lamang ang kapurihan!


Cover photo from Pexels.com

Published by Jeff Chavez

Sinner saved by grace

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: