“Sinasabi ko sa inyo, Hindi! Subalit malibang kayo’y magsisi, mapapahamak din kayong lahat tulad nila.”
Lucas 13:3 ABAB
ANG KAHALAGAHAN NG PAGSISISI
Ito ang mga salita ng nagkatawang-tao na Anak ng Diyos. Hindi sila kailanman maglalaho habang ang mundo ay nananatili. Ang pagsisisi ay lubos na kailangan kung ang makasalanan ay “makikipagpayapaan sa Diyos” (Isa. 27:5), dahil ang pagsisisi ay ang pagtapon ng mga sandata ng paghihimagsik laban sa Kanya. Ang pagsisisi ay hindi nagliligtas, ngunit walang makasalanan kailanman ang maliligtas kung wala nito. Walang sinuman kundi si Kristo lamang ang nagliligtas, ngunit ang isang pusong hindi nagsisisi ay hindi magagawang tanggapin Siya.
ANG PAGIGING-KAILANGAN NG PAGSISISI
Ang isang makasalanan ay hindi tunay na naniniwala hangga’t hindi siya nagsisisi.
Ito ay malinaw sa mga salita ni Kristo tungkol sa Kanyang tagapagpauna, “Sapagkat dumating sa inyo si Juan sa daan ng katuwiran, at hindi ninyo siya pinaniwalaan; ngunit pinaniwalaan siya ng mga maniningil ng buwis at ng masasamang babae, at kahit nakita ninyo ay hindi rin kayo nagsisi at naniwala sa kanya.” (Mat. 21:32).
Ito ay maliwanag din sa Kanyang malinaw na panawagan sa Marcos 1:15, “kayo’y magsisi at manampalataya sa ebanghelyo.” Ito ang dahilan kung bakit pinatotohanan ni apostol Pablo ang “pagsisisi sa Dios, at pananampalataya sa ating Panginoong Jesucristo (Mga Gawa 20:21). Huwag kang magkamali sa puntong ito mahal na mambabasa, ang Diyos ay “nag-uutos ngayon sa lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi” (Mga Gawa 17:30).
ANG UTOS UPANG MAGSISI
Sa pag-utos sa atin na magsisi, idinidiin ng Diyos ang Kanyang matuwid na karapatan sa atin. Siya ay walang hanggang karapat-dapat sa pinakamataas na pag-ibig at karangalan, at ng pangkalahatang pagsunod.
Ito ay tahasan nating itinanggi sa Kanya. Ang parehong pagkilala at pagwawasto nito ay nararapat nating gawin. Ang ating pagkamuhi sa Kanya at ang ating paghihimagsik laban sa Kanya ay dapat nang wakasan. Kaya’t ang pagsisisi ay isang taos-pusong pagkilala kung gaano ako lubhang nabigo, sa buong buhay ko, na ibigay sa Diyos ang nararapat na puwang sa aking puso at araw-araw na pamumuhay.
ANG NILALAMAN NG PAGSISISI
Ang pagiging-matuwid ng utos ng Diyos para sa aking pagsisisi ay makikita kung isasaalang-alang natin ang karumal-dumal na katangian ng kasalanan.
Ang kasalanan ay isang pagtatakwil sa Kanya na lumikha sa akin.
Ito ay ang pagtanggi sa Kanya sa Kanyang karapatan na pamahalaan ako.
Ito ay ang pagpapasiya na pasayahin ang aking sarili; kaya, ito ay paghihimagsik laban sa Makapangyarihan sa lahat.
Ang kasalanan ay espirituwal na paglabag sa batas, at lubos na pagwawalang-bahala sa awtoridad ng Diyos. Ito ay ang pagsabi sa aking puso, Wala akong pakialam kung ano ang hinihingi ng Diyos, ako ay magkakaroon ng sarili kong paraan; Wala akong pakialam kung ano ang pag-aangkin ng Diyos sa akin, ako ay magiging panginoon sa aking sarili. Mambabasa, napagtanto mo ba na ganito ang iyong pamumuhay?
ANG TUNAY NA PAGSISISI
Ngayon, ang tunay na pagsisisi ay nagsisimula sa pagkakilala sa labis na kasamaan ng kasalanan mula sa pusong binago ng Banal na Espiritu, ng kakila-kilabot na pagwawalang-bahala sa mga pag-aangkin Niya na gumawa sa akin, ng pagsuway sa Kanyang awtoridad.
Samakatuwid ito ay:
- isang banal na poot at pagkasuklam sa kasalanan,
- isang matinding kalungkutan para dito, at pagkilala dito sa harap ng Diyos,
- at isang ganap na pagtalikod mula dito.
Hindi tayo patatawarin ng Diyos hanggang sa magawa natin ito. “Siyang nagtatakip ng kanyang mga pagsuway ay hindi sasagana, ngunit ang nagpapahayag at tumatalikod sa mga iyon ay magtatamo ng awa.” (Prov. 28:13).
Sa tunay na pagsisisi, ang puso ay bumabaling sa Diyos at kumikilala ng ganito:
- Aking nilaan ang puso ko sa walang saysay na mundo na hindi makakapuno sa pangangailangan ng kaluluwa ko; Ikaw ay tinalikuran—ang bukal ng buhay na tubig, at bumaling sa sirang tipunan ng tubig;
- Akin ngayong inaamin at idinadaing ang aking kapalaluan.
- Ngunit higit pa, sinasabi nito:
- Ako ay naging isang hindi tapat at mapanghimagsik na nilalang, ngunit ngayon ay hindi na.
- Ako ngayon ay nagnanais at nagpasiya nang buong lakas na maglingkod at sumunod sa Iyo bilang aking tanging Panginoon.
- Iniaalay ko ang aking sarili sa Iyo bilang aking kasalukuyan at walang hanggang Bahagi.
ANG PANAWAGAN NA MAGSISI
Mambabasa, ikaw man ay nag-aangking Kristiyano o hindi—ikaw ba ay magsisisi o ikaw ay mapapahamak?
Para sa bawat isa sa atin, mga miyembro ng simbahan o kung hindi man, ikaw ba ay magbabalik-loob o magpapatuloy tungo sa kapahamakan?— tumalikod ka mula sa iyong landas ng sariling kagustuhan at kasiyahan sa sarili; bumaling ka sa kabagabagan ng puso tungo sa Diyos, hanapin mo ang Kanyang awa na nakay Kristo; bumaling ka ng buong puso upang bigyang kasiyahan at paglingkuran SIYA.
Ikaw ba ay magpapatuloy sa iyong kasalanan na hahantong sa pagdurusa araw at gabi magpakaikanman sa Lawa ng Apoy? Alin kaya dito? Oh, lumuhod ka ngayon at magmakaawa sa Diyos na bigyan ka ng diwa ng tunay na pagsisisi.
“Siya'y itinaas ng Diyos sa kanyang kanang kamay bilang Pinuno at Tagapagligtas, upang bigyan ang Israel ng pagkakataong magsisi, at ng kapatawaran ng mga kasalanan.” (Mga Gawa 5:31).
“Sapagkat ang kalungkutang naaayon sa Diyos ay nagbubunga ng pagsisisi tungo sa kaligtasan na hindi ipagdaramdam, subalit ang makasanlibutang kalungkutan ay nagbubunga ng kamatayan.” (2 Cor. 7:10).
Sa Diyos lamang ang Papuri!
*Hango mula sa Repent or Perish ni A.W. Pink, Ang salin na ito ay maaari mo ring mai-download mula sa Chapel Library.
*First posted on January 14, 2022. Updated with headings on October 8, 2022.
Excited to receive the gospel tracts you translated.
LikeLiked by 1 person
Kami din bro. They’ll send copies. SDG!
LikeLiked by 1 person
Ordered 200 copies ng sa iyo 200 copies kay bro jeshurun
LikeLiked by 1 person
Praise God!
LikeLiked by 1 person