“Matutuo ng Biblical Greek sa pagbubulay nito.”
ὥστε παρακαλεῖτε ἀλλήλους ἐν τοῖς λόγοις τούτοις. (SBL)
(*Hoste parakaleyte alleylus en toys logoys tutoys.)
Salin: Kaya’t mag-aliwan kayo sa isa’t isa ng mga salitang ito. (ABAB)
Habang binabasa ko ang Greek New Testament (Tyndale Edition) ngayong umaga, napansin ko ang maluwalhating basehan ng kaaliwan ng isang Kristiyano kay Kristo. Ang huling mga salita ni Pablo sa ikaapat na kabanata ng kanyang unang liham sa mga taga-Tesalonica ay isang utos (παρακαλεῖτε; * parakaleyte) bilang konklusyon sa kanyang mga naunang salita. Ang pag-aliw ng mga banal sa isa’t isa ay napakahalaga. Madalas ang pag-aliw o “comfort” natin sa kapwa mananampalataya ay nakikita sa pagpapadama na nariyan tayo para sa kanila. Madalas hindi kailangan ng maraming salita at sasabihin lamang natin na “I am praying for you”. Ngunit sinabi ni Pablo sa ating teksto na mag-aliwan tayo sa pamamagitan “ng mga salitang ito” (ἐν τοῖς λόγοις τούτοις). Ano ang nilalaman nito na magdudulot ng tunay na kaaliwan sa mga tao ng Diyos?
Greek Grammar Nuggets: Ang “imperative mood” ay hindi laging tumtukoy sa isang utos (Gayunpaman, 86% sa NT imperatives ay positibong utos). Sa tuwing gumagamit ang manunulat ng “imperative” sa bagong tipan, nais nitong i-address ang kaisipan o “volition” ng tao na tatanggap ng sulat. Kaya ito ay madalas na tinatawag na “mood of volition”.
Kung ating titignan sa v. 13, tinukoy ni Pablo ang kahalagan na malaman nila ang katotohanan tungkol sa mga yumaong Kristiyano (περὶ τῶν κοιμωμένων; *peri town koymowmenown), o mga natutulog. Bakit? Marahil may mga ilang namatay ng dahil sa pag-uusig at ito ay nagdudulot ng pighati sa kanila. Sinundan ito ni Pablo ng sugnay o “clause” na nagsisimula sa salitang “upang” (ἵνα; * hina).
Ang “hina clause” ay nagbibigay ng layunin ni Pablo kung bakit nais niyang pag-usapan ang mga Kristyanong namatay. At ito ay upang hindi sila malungkot (μὴ λυπῆσθε; pagbasa – mey lu-peys-the), mapighati o magdalamhati na gaya ng iba na walang pag-asa.
Greek Grammar Nuggets: Ang “subjunctive mood” ay tinatawag na “mood of projection.” Sa paggamit nito, nais ng may akda na pag-isipan o i-contemplate ng mambabasa ang kanyang sinasabi. Sa ating teksto ang “hina” + subjunctive mood (ἵνα μὴ λυπῆσθε) ay karaaniwang nagbibigay ng layunin o bunga ng naunang mga pangungusap. Ito ay tinatawag na “hina clause”.
Ginagamit din ang “subjunctive mood” para sa mariinang pagtatanggi ng isang bagay na isinasalin sa Ingles na “never”. Hinding-hindi ito mangyayari! Ito ay binubuo ng dalawang negatibong salita “οὐ (*u)” at “μὴ (*mey)” na sinusundan ng pandiwa sa “subjunctive mood” (οὐ μὴ + subjunctive). Ito ay tinatawag na “emphatic negation” (Halimbawa: Hebrews 13:5 – ang “I will never leave you” ay nasa “subjunctive mood”. Sa tekstong ito ay may limang “negatives” para ipakita na hinding-hindi mangyayari at kailanman hindi tayo iiwan ng Diyos.)
Dito ating makikita na hindi mali na magdalamhati sa pagyao ng mga mahal nating kapwang Kristyano, ngunit dapat mag-ingat tayo dahil maaari itong tumungo sa kasalanan kung sa ating pagdadalamhati ay tila wala tayong pag-asa kay Kristo.
Ang kaaliwan ng mga tao ng Diyos sa gitna na kamatayan ay ito: kahit mamatay ang mga Kristiyano may katiyakan na muling bubuhayin tayo Diyos at makakasama natin sila magpagkailanpaman. Ito ay tiyak na mangyayari dahil si Kristo ay muling nabuhay (v.14). Ito ay masasaksihan natin sa maluwalhating muling pagbabalik ni Hesu-Kristo v. 15 (εἰς τὴν παρουσίαν τοῦ κυρίου; * eys teyn parusi-an tu kuri-u).
Binigay ni Pablo ang pagkakasunod sunod ng pangyayari sa pagbalik ni Hesus. Sinabi Niya sa v. 15 tayong nabubuhay, na natitira hanggang sa pagdating ng Panginoon, ay hindi mauuna sa anumang paraan sa mga natutulog (ὅτι ἡμεῖς οἱ ζῶντες οἱ περιλειπόμενοι εἰς τὴν παρουσίαν τοῦ κυρίου οὐ μὴ φθάσωμεν τοὺς κοιμηθέντας; *hoti heymeys hoi zowntes hoi perileypomenoy eys ten parusi-an tu Kuri0u u mey ptasowmen tus koymeythentas).
Pansinin na ginamit ni Pablo ang “emphatic negation”, οὐ μὴ φθάσωμεν (aorist active subjunctive 1st plural form of φθάνω). Idiniin ni Pablo na mauunang bubuhaying-muli ang mga patay (o natulog) kay Kristo bago tayo dahil ng Diyos ay aagawing kasama nila sa ulap upang salubingin ang Panginoon sa papawirin.
Ang mga talatang sumunod 16-17 ay nagbunsod ng malawakang diskusyon at kontrobersiya sa mga Kristyano tungkol sa “rapture” (ἁρπαγησόμεθα; * haspageysometha). Ngunit ang layunin pagsulat ni Pablo ay hindi upang pagtalunan ito kundi unang-una ay magbigay kaaliwan sa kanila na nakay Hesu-Kristo.
Nawa ang katotohanang si Kristo ay muling babalik ay magdulot sa atin ng buhay pag-asa sa panahon ng madidilim na probidensiya.
Nagdudulot ba sa iyo ng kaaliwan sa gitna ng kapighatian ang muling pagbabalik ni Hesu-Kristo?
Sa Diyos lamang ang kapurihan!
*Ang mga salitang may asterisk ( * ) ay transliterasyon ng salitang griyego na sinundan nito.
Bisitahin ang loveGreek para sa ilang Greek New Testament concepts review.