Layunin: Upang ipakita ang katuruan ng Bagong Tipan tungkol sa buhay ng kaanib ng iglesya at ipakita ang kahalagahan nito sa tunay na Cristiano.
Panimula: Tanungin kung ang tagapakinig ay kusang-loob na kaanib ng anumang samahan o organisasyon, at ano ang napapakinabangan niya dito. Dumako sa paliwanag na ang buhay sa loob ng komunidad ay bahagi ng buhay ng tao.
Kahalintulad nito, mayroong komunidad na disenyo para sa mga Cristiano na may mahalagang plano ang Diyos – ang Iglesya ng Bagong Tipan (The NT Church).
Basahin: Efeso 3:10, 21
upang sa pamamagitan ng iglesya ay maipaalam ngayon sa mga pinuno at sa mga kapamahalaan sa sangkalangitan ang iba’t ibang anyo ng karunungan ng Diyos… sumakanya nawa ang kaluwalhatian sa iglesya at kay Cristo Jesus sa lahat ng mga salinlahi, magpakailanpaman. Amen.
- Ang kaluwalhatian ng Diyos ay tiyak sa Kanyang iglesya
- Katuruan: Ang buhay Cristiano ay dapat ipamuhay sa kalagayang kasama ng iba pang Cristiano – sa iglesya.
Basahin: Filipos 1:27, Efeso 4:1-5
Ang inyo lamang pamumuhay ay maging karapat-dapat sa ebanghelyo ni Cristo, na kahit ako ay dumating at kayo’y makita, o wala man sa harap ninyo at mabalitaan ko ang mga bagay patungkol sa inyo na kayo’y naninindigan sa isang espiritu, na may isang isipan na magkakasamang nagsisikap para sa pananampalataya ng ebanghelyo
Philippians 1:27 ABAB
Kaya’t ako na bilanggo sa Panginoon ay nagsusumamo sa inyo na kayo’y lumakad ng nararapat sa pagkatawag na sa inyo’y itinawag, na may lubos na kapakumbabaan at kaamuan, may pagtitiyaga, na magparaya sa isa’t isa sa pag-ibig; na nagsisikap na mapanatili ang pagkakaisa ng Espiritu sa buklod ng kapayapaan. May isang katawan at isang Espiritu, kung paanong tinawag kayo sa isang pag-asa ng pagkatawag sa inyo, isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo.
Ephesians 4:1-5 ABAB
■ Itanong: Ano ang masasabi mo sa iyong pangka-salukuyang iglesya o simbahan (ipagpalagay na mayroon siya)? Kung wala, ano ang kaisipan mo tungkol sa mabuting iglesya?
ANO ANG BIBILIKAL NA IGLESYA?
Babala: May mga tao na maaring nalilito sa tanong na “Ano ba ang tunay na iglesya?” Kadalasan ito’y nauuwi sa pag-uusap tungkol sa denominasyon ( Hal. Katoliko, Metodista, mga kulto atbp.). Hindi ito ang sinasabi ng Bagong Tipan (BT). Sa BT, ang iglesya ay isang lokal na kapulungan na may mga mahalagang bahagi tulad ng mga sumusunod…
SINO ANG DAPAT NA MGA KAANIB NG IGLESYA?
- Ilarawan at ihambing ang pagiging kaanib sa Romano Katoliko :
- Sa kapanganakan ( sa ritwal ng “bagbibinyag” o “christening”); pagsama sa parokyang nakakasakop
Basahin: 1 Corinto 1:2 (ihambing sa Efeso 4:4-6)
Sa iglesya ng Diyos na nasa Corinto, sa mga ginawang banal kay Cristo Jesus, mga tinawag na banal, kasama ng lahat na sa bawat lugar ay tumatawag sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo na kanila at ating Panginoon:
1 Corinto 1:2
May isang katawan at isang Espiritu, kung paanong tinawag kayo sa isang pag-asa ng pagkatawag sa inyo, isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo, isang Diyos at Ama ng lahat, na siyang nasa ibabaw ng lahat, at sumasa lahat, at nasa lahat.
Ephesians 4:4-6 ABAB
- Punto: Ang lahat ng kaanib ay may iisang ipinapahayag, ang pagiging Panginoon ni Cristo at karanasan ng kaligtasan.
- Doctrina: Naipanganak na muli (regenerate or born again) at pinapaging- banal (sanctified) na Kaanib
- Ang isang tao ay hindi umaanib sa iglesya para maging Cristiano, sa halip ito’y dahil siya ay nagbago na at may mga katunayan ng tunay na kaligtasan.
- Hamon: Ito ba ay magandang paglalarawan ng iyong iglesya?
- Kung ikaw ay tunay na Cristiano, nakikita mo ba na katungkulan mong umanib ng isang iglesya?
PAANO TINATANGGAP ANG MGA NAIS MAGING KAANIB NG IGLESYA?
Basahin: Gawa 9:26-30
Nang siya’y dumating sa Jerusalem, pinagsikapan niyang makisama sa mga alagad. Silang lahat ay natakot sa kanya sapagkat hindi sila naniniwala na siya’y isang alagad. Subalit kinuha siya ni Bernabe, iniharap siya sa mga apostol, isinalaysay sa kanila kung paanong nakita niya sa daan ang Panginoon, na nakipag-usap sa kanya, at kung paanong siya’y nangaral sa Damasco na may katapangan sa pangalan ni Jesus. Kaya’t siya’y naging kasa-kasama nila sa Jerusalem, na nangangaral na may katapangan sa pangalan ng Panginoon. Siya’y nagsalita at nakipagtalo sa mga Helenista at pinagsikapan nilang siya’y patayin. Nang malaman ito ng mga kapatid, kanilang inihatid siya sa Cesarea, at siya’y pinapunta sa Tarso.
■ Punto: Ang pag-anib ay kusang loob na pagtanggap ng iglesya sa patotoo ng kanyang pananampalataya.
Tandaan: Si Pablo ay hindi makabahagi o makasama sa iglesya hanggang hindi pa kombinsido ang mga disipulo sa kanyang pagbabago, na pinatunayan ni Bernabe.
Basahin: Efeso 4:13-16 (ihambing sa Hebreo 10:23-25)
hanggang makarating tayong lahat sa pagkakaisa ng pananampalataya, at sa ganap na pagkakilala sa Anak ng Diyos, hanggang maging taong may sapat na gulang, hanggang sa sukat ng ganap na kapuspusan ni Cristo. Tayo’y huwag nang maging mga bata, na tinatangay-tangay ng mga alon at dinadala-dala ng bawat hangin ng aral, sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang mga katusuhan sa paraang mapandaya. Kundi humahawak sa katotohanan na may pag-ibig, lumago tayong lahat sa kanya, na siyang ulo, samakatuwid ay si Cristo, na sa kanya ang buong katawan na nakalapat na mabuti at nagkakaisa sa pamamagitan ng bawat litid, ayon sa paggawa sa sukat ng bawat bahagi ay nagpapalaki sa katawan tungo sa ikatitibay ng sarili sa pag-ibig.
Ephesians 4:13-16 ABAB
Panghawakan nating matatag ang pagpapahayag ng ating pag-asa nang walang pag-aalinlangan, sapagkat siya na nangako ay tapat. At ating isaalang-alang kung papaano gigisingin ang isa’t isa sa pag-ibig at sa mabubuting gawa, na huwag nating pabayaan ang ating pagtitipon, gaya ng ugali ng iba, kundi palakasin ang loob ng isa’t isa, lalung-lalo na kapag inyong nakikita na papalapit na ang Araw.
Hebrews 10:23-25 ABAB
- Tandaan: Ang pagkakaisa ng mga kaanib ng iglesya sa itinuturo (Teaching), paglilingkod sa isa’t-isa (Ministry to each other), paglago (Growth), atbp.
- Doktrina: Kusang-loob (Voluntary) at Tipanang (Covenanted) pagiging kaanib
- Ang pag-anib sa iglesya ay sariling desisyon. NGUNIT sa sandalling tanggapin ang isang tao, bilang kaanib, siya ay nasasakupan na ng iisang ipinapahayag na katuruan at pagtatalaga ng sarili sa responsiblidad bilang Cristiano.
- Hamon: Pag-isipan ng mabuti ang pagiging kaanib ng iglesya. Gumawa ng disisyong sumunod sa ipinag-uutos ng Salita ng Diyos.
Tagapanguna: kung ang tagapakinig ay hindi pa kabilang sa anumang iglesya, bigyan ng kopya ng kasunduan ng mga kaanib ng iglesya (church covenant) at gabay sa pagiging kaanib ng iglesya.
Sa Diyos lamang ang Kapurihan!
- Ang aralin na ito “Sow Your Seed – Tagalog” ay isinulat ni Ptr. Noel Espinosa ng Grace Baptist Church – Los Baños. Inilathatla dito ng may pagsang-ayon ng may akda.
- Maaari ninyong i-download ang PDF copy dito.