At ang pangitain ng lahat ng ito ay naging sa inyo’y gaya ng mga salita ng aklat na natatakan. Kapag ibibigay ng mga tao sa isang marunong bumasa, na sinasabi, “Iyong basahin ito,” kanyang sinasabi, “Hindi ko mababasa, sapagkat natatatakan.” Nang ang aklat ay ibigay sa isa na hindi marunong bumasa, na sinasabi, “Iyong basahin ito,” kanyang sinasabi, “Ako’y hindi marunong bumasa.” At sinabi ng Panginoon, “Sapagkat ang bayang ito ay lumalapit sa pamamagitan ng kanilang bibig, at pinapupurihan ako ng kanilang labi, samantalang malayo ang kanilang puso sa akin, at ang kanilang takot sa akin ay utos ng mga tao na natutuhan sa pamamagitan ng pagsasaulo; dahil dito, muli akong gagawa ng kahanga-hangang mga gawa sa bayang ito, kahanga-hanga at kagila-gilalas, at ang karunungan ng kanilang mga pantas ay mapapawi, at ang unawa ng kanilang mga taong may unawa ay malilihim.” Kahabag-habag sila, na itinatago nang malalim ang kanilang payo sa PANGINOON at ang mga gawa ay nasa kadiliman, at kanilang sinasabi, “Sinong nakakakita sa atin? At sinong nakakakilala sa atin?” Inyong binabaligtad ang mga bagay! Ituturing bang putik ang magpapalayok; upang sabihin ng bagay na niyari sa gumawa sa kanya, “Hindi niya ako ginawa”; o sabihin ng bagay na inanyuan sa kanya na nag-anyo nito, “Siya’y walang unawa”?
Isaiah 29:11-16 ABAB
Sa mga talatang ating binasa nakita natin ang kamangmangan, pagkabulag at pagmamataas ng bayang Israel laban sa Diyos.
- Kamangmangan dahil sa kabila ng kanilang pagkakaalam sa salita ng Diyos at mga propetang ginamit nito upang ipangaral ang kanyang salita at magbigay babala sa kakahantungan ng kanilang patuloy na pagkakasala ay wala itong epekto para sa kanila.
- Pagkabulag sa kabila ng mga katotohan patungkol sa kadakilaan ng Diyos, sa mga kamangha-manghang bagay na kanyang ipinamalas wala itong halaga sa bayan ng Israel.
- Pagmamataas na pilit nilang ibinababa ang Diyos at sarili nila ang kanilang itinataas at pinagkakatiwalaan.
May alam ang bayan ng Israel patungkol sa Diyos kaya nilang magsalita ng mga espiritwal na bagay ngunit ito’y sa mga labi lamang at ang kanilang puso ay tunay na malayo sa kanya. Bihasa sa kautusan, ngunit sila pa mismo ang lumalabag dito. Nakita nila kung paano sila iniligtas at inililigtas ng Diyos sa kanilang mga kaaway ngunit sila’y bulag sa kahangalan upang ito’y mawalan ng kabuluhan. Sila’y marurunong ngunit ito’y naging kamangmangan lamang dahil sa kanilang pagtitiwala sa kanilang sarili at pagmamayabang. Kaya patuloy nilang nalalasap ang parusa at galit ng Diyos dahil sa patuloy nilang pagrerebelde at pagkakasala laban sa kanya.
Para sa mga mananampalataya, hindi lingid sa ating kaalaman kung paanong kumikilos ang ating Diyos sa ating mga buhay. Siya ang nagbibigay ng karunungan upang tayo’y magkaroon ng kaalaman patungkol sa kanya at kanyang mga salita. Siya ang nagbibigay ng malinaw na katotohanan upang makita natin ang kanyang biyaya at kabutihan na patuloy na gumagawa sa ating mga buhay. Sa kabila ng lahat ng mga ito ano ang ating magiging tugon? Magmamataas ba tayo at aangkinin na ang lahat ng mga ito ay ating nagawa dahil sa ating sariling kagalingan?
Huwag na huwag nawang mangyari. Nawa ay tulungan tayo ng Diyos at palaguin pa sa kababaang loob at pagpapasakop sa kanyang mga salita. Na lahat ng mayroon tayo praktikal man na pangangailangan o kalaguang espiritwal ito ay dahil lamang sa biyaya ng Diyos sa atin at walang ibang dapat maparangalan at maitaas kung hindi ang pangalan lamang ng ating Diyos. Kung nais nating lumago sa kababaang-loob, tingnan natin ang buhay ni Kristo bagaman siya ay Hari at Diyos minsan ibinababa niya ang kanyang sarili para abutin at iligtas ang kanyang mga tao na siyang nagdusa at namatay sa krus ng kalbaryo, hanggang sa dumating ang takdang panahon na siya’y itinaas at niluwalhati ng Ama.
Para sa mga wala pa sa ating Panginoong Hesu Kristo, nakita mo sana ang kahangalan ng bayan ng Isael sa kabila ng kanilang pagkakakilala sa Diyos ito ay sa labi lamang at ang kanilang mga puso ay tunay na malayo para sa kanya. Pinarusahan sila dahil sa kanilang pagmamataas at pagtitiwala sa karunungan ng tao at kanilang sarili. Ganito ka din, maaaring kilala mo ang Diyos ngunit sa pangalan lamang ang kanyang pagiging banal at kanyang galit sa kasalanan ay hindi mo pinapansin at hindi mo maunawaan. Sa araw na ito pinagdiriwang ng bansang Pilipinas ang araw ng kalayaan, ngunit hindi ito ang tunay na kalayaan. Walang kalayaan sa taong namumuhay pa rin sa kasalanan. Ang tunay na kalayaan ay kalayaan sa pagkakaalipin sa kasalanan. Hindi sarili mo o bayani ang kailangan mo upang ito’y makamit. Si Hesus lang ang tanging may kakayahan upang kalagin ang gapos ng kasalanan at humantong sa iyong kaligtasan. Pagsisihan mo ang iyong kasalanan at lumapit ka kay Kristo bilang tanging tagapaligtas mo. Anomang oras ay maaaring bawian ka ng buhay o sa anomang sandali ay maaari ng bumalik si Kristo at haharap ka sa kanyang paghahatol. Ano ang magiging katuyaan mo sa harapan ng Diyos?
Sa Diyos lamang ang papuri!