Mas mabuti ang hayag na pagsawáy, kaysa nakatagong pagmamahal. Tapat ang mga sugat mula sa kaibigan, labis-labis ang mga halik ng kaaway.
Kawikaan 27:5-6
Ano ang reaksyong mo nooong huling beses kang sinaway ng ibang tao (lalo na ng kapatiran)? Madalas nakakaramdam tayo ng sakit, sumasama ang loob, nagtatampo, at mas nakakalungkot, ang iba ma’y tuluyang nasisisra ang samahan.
Bakit nga ba mahalaga sa mga Kristiyano na merong sumusuway sa atin?
Una, ang kasalanan ay mapandaya.
Heb 3:13 Ngunit magpayuhan kayo sa isa't isa araw-araw, habang ito ay tinatawag na "ngayon," upang walang sinuman sa inyo ang papagmatigasin ng pagiging madaya ng kasalanan.
May mga pagkakataon na hindi natin napapansin na nagagawa na natin ito. Ang pagsasaway ay isang paraan upang mailayo natin ang ating kapatirihan sa pandaraya ng kasalanan.
Pangalawa, ang ating puso ay mandaraya.
Jer 17:9 Ang puso ay mandaraya kaysa lahat ng bagay, at lubhang napakasama; sinong makakaunawa nito?
Extreme ang paglalarawan diyan ni Jeremiah, ang puso ay “lubhang napakasama”. Huwag nating kalimutan yan. Madaling i-justify ng ating ginagawa kapag sarili lang natin ang ating pakikinggan, kaya kaylangan natin ng kapatid na magpapaalala sa atin at sasaway upang mapanatili tayo sa katotohanan ng ating pananampalataya.
Tit 1:13 Ang patotoong ito ay tunay. Dahil dito'y mahigpit mo silang sawayin upang maging malakas sila sa pananampalataya
Pangatlo, upang i-preserve tayo at magkaroon ng takot sa paggawa ng kasalanan.
1Ti 5:20 Sila namang nagpapatuloy sa pagkakasala ay sawayin mo sa harapan ng lahat, upang ang iba nama'y matakot.
Hindi cute ang kasalanan. Ito ay nagdadala ng pahatol ng Diyos. Dahil seryoso ang kasalanan, nararapat na seryoso din tayo sa pagbantay sa ating mga kapatiran. Ilan lamang ito sa mga katotohanan na mahalaga talaga ang pagsawáy.
Mahalaga ang pagsasaway pero ating tandaan na sa paggawa nito dapat alam natin kung ano ang motibo ng ating pagsasaway. Ano ba ang mga bagay na dapat sawayin at ang mga paraan ng pagsasagawa nito?
Walang dapat na ibang motibo ang ating pagsawáy sa kapatid kundi para sa kaluwalhatian ng Panginoon at sa ikabubuti ng Kanyang mga tao. Ang isang mananampalataya na napapanatili at nahuhubog sa wangis ng ating Panginoong Hesu-Kristo ay nagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos at nagdudulot ng kabutihan sa mga banal.
Ano ang dapat nating sawayin?
Wala nang iba kundi ang kasalanan in all its forms (kalikuan, kasakiman, kahalayan; at puno ng inggit, pagpaslang, pag-aaway, pandaraya, katusuhan, mahihilig sa tsismis, etc.). Tinukoy ang mga ito ni Pablo sa Romans 1:29-32. Lahat ng ginagawa, sinasabi, at iniisip na hindi nagluluwalhati sa Diyos. Expose sin for what it is.
Eph 5:11 At huwag kayong makibahagi sa mga gawa ng kadiliman na walang ibubunga, kundi inyong ilantad ang mga ito.
Sa ating pagsawáy sa ating kapatid o kahit sa ibang tao, wag natin iwawala ang ating pag-ibig., kahinahunan at maayos na pananalita upang makita at madama nila na sa kabila ng kanilang kasalanan ay mayroon silang pag-asa kay Kristo. Magsaway ng may pagkahabag at pag-asa.
Alalahanin natin na tayo ay minsan ding nahulog at nahuhulog pa rin sa mga bitag ng kaaway. Ngunit gaya ng payo ni Pablo kay Timoteo na “Be ready…rebuke…” and “be ready to call out sin, not just when it’s convenient, but when it’s needed, and even when it’s socially uncomfortable or costly to do so” (Segal).
2Ti 4:2 ipangaral mo ang salita, magsikap ka sa kapanahunan at sa di kapanahunan, magtuwid ka, manaway ka, mangaral ka na may buong pagtitiyaga at pagtuturo.
Kung ikaw ay nakakaranas ng pagsawáy, sinasaway, o sasawayin pa lang, tandaan mo ito: mas mabuti ang hayag na pagsawáy upang makita mo ang iyong kahinaan at lumago tungo sa wangis ni Kristo. Magdulot man ito ng sugat, ito ay maghihilom din at ang peklat na maiiwan nito ay magpapaalala kung paanong ikaw ay unti-unting binabago ng Panginoon.
Kawikaan 27:6 Tapat ang mga sugat mula sa kaibigan, labis-labis ang mga halik ng kaaway.
Huwag kang magalit o magtanim ng hinanakit sa taong sumaway sa’yo. Mapalad ka kung mayroon ka kahit isa lang na tapat na kaibigan na may lakas ng loob na itama ka. Pwede naman na manahimik na lang siya ay hayaang ang ibang tao ang magsabi sa’yo, ngunit dahil sa pag-ibig niya sa’yo, handa niyang harapain ano man ang maging bunga ng pagsasaway niya sa’yo, kahit ikagalit mo pa ito.
Nawa, ang mga mananampalataya ay hindi maging katulad ng mundo na kapag sinaway ay lalong nagmamatigas. Nagpo-post sa social media para magparining, kumukuha ng simpatya ng iba upang palabasin mali ang pagsasaway sa atin. Tandaan natin gaano man kasakit ang pagsawáy ng isang kapatid, we are still our brother’s keeper. Hindi tayo dapat padala sa ating emosyon dahil kapag humupa na ang emosyon, hindi na mababawi ang mga paninira at salitang nabitawan natin sa taong sumaway sa atin.
Ang tanong ngayon: Iniibig mo ba ang mga tao sa buhay mo sapat para sila ay ituwid, sawayin, at pangaralan para sa kapurihan ng Diyos at sa ikabubuti ng Kanyang mga tao?
CORAM DEO
Pinagbatayan:
Ang cover photo ay mula sa light4nations.
Segal, Marshall. “Do You Know How to Rebuke?” Desiring God, 19 July 2017, http://www.desiringgod.org/articles/do-you-know-how-to-rebuke. Accessed 25 Sept. 2021.