At nalalaman natin na sa lahat ng mga bagay ang Diyos ay gumagawa sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya, sa kanila na mga tinawag alinsunod sa kanyang layunin.
Mga Taga-Roma 8:28
Masarap pakinggan ang mga salitang ito sa panahon na ang mga bagay ay malinaw mong makikita na umaayon sa iyong mga plano at naisin. Ngunit paano kung kabaligtaran ang sitwasyon? Sa panahon na ang timeline ng Diyos ay tila ba hindi ayon sa ating mga inaasahan, magtitiwala pa rin ba tayo sa mga pangako ng Diyos?
Sinulat ni Apostol Pablo ang aklat ng Roma na tinuturing natin ngayon na isa sa mga aklat na mayaman sa theological truths. Sinumulan niya ang ikawalong kabanata sa pagpapakita ng pagkakaiba ng mga namumuhay sa Espiritu at namumuhay sa laman. Binigyang-diin niya na ang pamumuhay sa Espiritu ay tatak ng mga anak ng Diyos.
Hinimok rin tayo ni Apostol Pablo na pagtiisan ang ano mang paghihirap na ating pinagdaraanan sa kasalukuyan (Roma 8:18). Siya ay tila nakiusap na tayo ay maghintay ng may pagtitiis at magtiwala na ang Espiritu mismo ang namamagitan na may mga daing tuwing hindi natin alam ang ating na dapat ipanalangin (v. 26).
“At nalalaman natin na sa lahat ng mga bagay ang Diyos ay gumagawa…”
Ano man ang sitwasyong pinagdaraanan o kinalalagyan mo ngayon kapatid, hindi nito mababago ang katotohanan na ang Diyos ay soberanong gumagawa sa buhay mo. Mabigat man ang mga probidensya na kinakaharap mo, panghawakan mo ang mga salita niya. Siya ay aktibong gumagawa sa buhay mo at hindi Siya gumagawa na walang mabuting maibubunga sa iyo.
“…sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya, sa kanila na mga tinawag alinsunod sa kanyang layunin.”
Ang bunga ng paggawa ng ating Diyos sa ating buhay ay mabuti. Hindi man ito katulad ng mga mabuting bagay na iniisip ng mundo, ito ay may pang walang hanggang kabutihan sa ating kaluluwa.
Mayroon pa bang mas bubuti sa layunin ng paghubog ng Panginoon tungo sa larawan o wangis ng ating Panginoong Hesu-Kristo? Ang mga kahirapan, kapighatian, sakit 0 karamdaman na ating nararanasan sa kasalukuyan ay mga instrumento ng Panginoon sa paghubog sa atin. Masakit at hindi madali ngunit ito ay bahagi ng pagkatawag sa atin bilang mga anak Niya.
Sapagkat ang mga nakilala niya nang una pa ay itinalaga naman niya na maging katulad sa larawan ng kanyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid; at yaong mga itinalaga niya ay kanya namang tinawag at ang mga tinawag niya ay itinuring niyang ganap; at ang mga itinuring na ganap ay niluwalhati din naman niya.
Mga Taga-Roma 8:29-30
Tandaan natin hindi lahat ng tao ay nakilala Niya, itinalaga Niya, tinawag Niya, itinuring Niyang ganap. Kaya kung ikaw ay isa mga taong Kanyang kilala, itinalaga, tinawag at itinuring na ganap sa pamamagitan ng pananampalataya kay Hesus, magpatuloy ka sa paglakad habang ikaw ay Kanyang hinuhubog tungo sa wangis ng Kanyang Anak.
SDG
*Ang larawan ay galing kay freephotocc mula sa Pixabay.