O Panginoon,
Walang araw sa buhay ko ang lumipas nang ‘di ako napatunayang may sala sa paningin Mo.
Mga dalanging nasambit mula sa pusong salat sa panalangin;
Papuri’y madalas na naging tunog na walang pagpupuri;
Mga pinakamahuhusay kong gawa’y pawang maruruming basahan.
Pinagpalang Jesus, hayaan Mong makahanap ako ng kublihan
Sa ‘Yong nagpapalubag na mga sugat.
Kahit mga kasalanan ko’y umaangat sa langit,
Higit na pumapailanglang ang ‘Yong mga merito.
Kahit ang kasamaan ko’y nagpapabigat sa ‘kin pababa ng impyerno,
Inaangat ako ng kat’wiran Mo sa ‘Yong luklukan.
Lahat ng bagay sa ki’y tumatawag ng aking pagkatakwil,
Lahat ng bagay sa ‘Yo’y sumasamo ng aking pagkatanggap.
Ako’y namamanhik mula sa sakdal Mong katarungan
Tungo sa luklukan ng ‘di masukat Mong biyaya.
Nawa’y marinig ko ang tinig Mong nagbibigay-tiyak sa ‘kin:
Na Ika’y sinugatan para sa ‘king mga pagkakasala,
Na Ika’y ginawang kasalanan para sa ‘kin
Upang ako’y ituring na matuwid sa ‘Yo,
Na ang mabibigat kong mga sala, ang umaapaw kong mga sala,
Ay pinatawad nang lahat,
Ibinaon sa karagatan na nagpapawi Mong dugo.
Ako’y nagkasala subalit pinatawad,
Nawala, subalit iniligtas,
Naliligaw, subalit natagpuan,
Nagkakasala, subalit nilinis.
Bigyan Mo ako ng wagas na pagkawasak ng puso,
Manatiling lagi sa pagkapit sa krus Mo,
Dagsain ako ng papanaog Mong biyaya sa bawat sandali,
Ibukas sa ‘kin ang bukal ng banal Mong kaalaman,
Kumikislap gaya ng kristal,
Dumadaloy nang malinis at walang dungis,
Sa ilang ng aking buhay.
Amen.
SOLI DEO GLORIA!
Repost from the Modern Pilgrim’s Ang Salinlahi Project: A Tagalog translation of the Valley of Vision (Libis ng Pangitain) : A Collection of Puritan Prayers and Devotions by Arthur Bennett –Ang Wasak na Puso