Kaya’t kung paanong ang dila ng apoy ay tumutupok sa dayami, at ang tuyong damo ay natutupok sa liyab, magiging gaya ng kabulukan ang kanilang ugat, at ang kanilang bulaklak ay papailanlang na gaya ng alabok; sapagkat kanilang itinakuwil ang tagubilin ng PANGINOON ng mga hukbo, at hinamak ang salita ng Banal ng Israel. Kaya’t nag-alab ang galit ng PANGINOON laban sa kanyang bayan, at iniunat niya ang kanyang kamay laban sa kanila, at sinaktan sila, at ang mga bundok ay nayanig; at ang kanilang mga bangkay ay naging gaya ng dumi sa gitna ng mga lansangan. Sa lahat ng ito ay hindi napawi ang kanyang galit, kundi laging nakaunat ang kanyang kamay. Siya’y magtataas ng hudyat sa mga bansa mula sa malayo, at sisipulan sila mula sa mga dulo ng lupa; at, narito, ito’y dumarating na napakatulin! Walang napapagod o natitisod man, walang umiidlip o natutulog man; walang pamigkis na maluwag, o napatid man ang mga panali ng mga sandalyas; ang kanilang mga palaso ay matalas, at lahat nilang pana ay nakahanda ang mga kuko ng kanilang mga kabayo ay parang batong hasaan, at ang kanilang mga gulong ay parang ipu-ipo. Ang kanilang ungal ay gaya ng sa leon, sila’y nagsisiungal na gaya ng mga batang leon; sila’y nagsisiungal, at nanghuhuli ng biktima, at kanilang tinatangay, at walang makapagliligtas. Ang mga iyon ay uungal laban sa kanila sa araw na iyon na gaya ng ugong ng dagat. Kung may tumingin sa lupain, narito, kadiliman at kahirapan, at ang liwanag ay pinadilim ng mga ulap niyon.
Isaiah 5:24-30
Sa mga talatang ito ating malalaman ang tahasang paghahatol ng Diyos sa bayan ng Judah. Hindi lamang ito isang payak na paghahatol kung hindi napakalubha.
Pinapapakita ng bawat talata kung ano ginawa at gagawin ng Diyos sa bayan ng Judah bilang ganti sa kanilang pagsalangsang o hindi pagsunod sa kanyang batas at salita.
Ginawa ng Diyos na hatulan ang Judah upang ipakita ang bunga ng kanilang kasalanan, upang tumataktak sa kanilang puso’t isipan na walang magandang dulot ang pagrerebelde sa Diyos na hindi sila maaaring makapanaig o manalo sa Diyos ng mga hukbo. At ginawa ng Diyos ang kahatulan sa Judah upang maging babala sa mas matindi pang paghahatol kung patuloy nilang tatalikura ang Diyos, samakatuwid baga’y ang paghahatol ng Diyos sa Judah ay isa pa ngang panawagan tungo sa pagsisi at pagbabalik loob sa Diyos.
Para sa ating mga mananampalataya wala ng kahatulan pa para sa ating mga kasalanan, binayaran na ito ng dugo ng ating Panginoong Jesus Kristo, hindi na natin sasapitin pa ang hatol ng Diyos na gaya ng nangyari sa bayan ng Judah.
Ito ang bunga ng biyaya ng kaligtasang ating natamo kay Kristo Hesus ang ganap na maranasan ang kanyang pagpapawalang sala at hindi na danasin pa ang pait ng kanyang hatol. Ano nga ang ating sasabihin kung hindi Purihin, Purihin at Dakilain ang kanyang Pangalan!
Para sa mga wala pa sa Panginoon, at patuloy nanamuhahay sa kanilang kasalanan. Patuloy din ang galit at poot ng Diyos sa inyo. Dinadahilan mo na ang Diyos ay pag-ibig ito ay katotohanan, ngunit hindi niya iniibig ang kasalanan. Kaya kalakip ng kanyang pag-ibig ang kanyang hustisya. At ito ang iyong mararanasan kung hindi mo pagsisihan ang iyong mga kasalanan at ilagak ang iyong pagtitiwala kay Kristo Hesus na siyang magpapatawad at maglilinis nito. May oras pa kaibigan, huwag mong isangtabi ang pagkakataong ito!
Sa Diyos ang Papuri!
Note: Ang larawan sa taas ay mula kay qimono ng Pixabay.com