O Diyos,
Tinuro Mo sa akin,
na kay Kristo ang lahat ng kapuspusan
at lahat ng kalubusan ng Espiritu,
na lahat ng kasapatan sa’king pagkukulang ay nasa Kanya,
para sa kanyang bayan,
‘di lamang sa Kanyang sarili,
Siyang may wagas na kaalaman,
biyaya’t kat’wiran upang ako’y makakita,
maging matuwid, at bigya’ng kasapatan;
Na ito’y aking tungkulin, dulot ng kawalan,
at lumapit kay Kristo, angkinin,
at makinabang sa kanyang kapuspusan bilang akin,
na parang ito’y sa’kin, buhat sa Kanya;
Nang sa gayon, ako’y puspos ng Espiritu,
gaya ng isdang nasa dagat mula sa dalampasigan,
angkin ang saganang katubigan,
pagkat kung ako’y puno ng pananampalataya, ako’y sagana;
na ito ang paraan upang mapuspos ng Espiritu,
gaya ni Esteban, una’y pananampalataya,
bago mapuspos,
pagkat dito ako’y pinakasalat, at marapat puspusin ng Espiritu
Tinuro Mo sa akin,
na ang paghanap ng kayamanang ito sa lupain ni Kristo
ay magkakamit ng lakas, galak, kadakilaan,
at lahat ng pagpapalang sariwa
Tulungan Mo akong malugod
sa ‘king mga natatanggap kay Kristo,
sa kapuspusang nasa Kanya,
ang bukal ng Kanyang kadakilaan
Nawa’y ‘di ko maisip na ang Espiritu’y matatanggap ko
na pawang isang ‘bagay’ lamang,
hiwalay sa paghanap at pagkapuspos sa Kanya.
Sa gayong layunin, O Diyos,
itatag Mo ako kay Kristo manahan at pumisan sa Kanya,
at bigyang katiyakan na lahat ng ito’y sa akin,
pagkat ito lamang ang makapupuno ng ligaya’t kapayapaan sa’king puso.
Amen.
Repost from the Modern Pilgrim’s Salinlahi Project: A Tagalog translation of the Valley of Vision: A Collection of Puritan Prayers and Devotions by Arthur Bennett – Kapuspusan kay Kristo